Buhay ni Lolo Tasyo

“Magandang umaga sa inyo. Kamusta naman kayo?”

Pilit na ngiti na lamang isinagot ni Hannah sa tanong ni Atty. Reyes. Kasama ang kanyang Nanay, Tatay at Tita Lucia ay pumasok siya sa opisina ng nasabing abogado. Narito sila upang pakinggan ang “Last Will and Testament” ng kanyang lolo na pumanaw dalawang linggo lamang ang nakaraan. Sa edad na pitumpu’t lima ay hindi na nagulat ang pamilya nang isang umaga ay hindi na lamang ito nagising. Bagama’t inaasahan na nila ang pagkamatay ng matanda ay hindi pa rin sila naligtas sa hinagpis na dulot sa pagkawala ng minamahal.

Kaya naman mabigat sa kanilang damdamin ang pakinggan ang mga huling habilin ng namatay. Ang tangi lamang na nagpapagaan sa kanilang damdamin ay ang kaalaman na naging masaya ang matanda sa kanyang mga huling linggo.

Habang kinukuha ni attorney ang mga dokumento ay biglang naalala ni Hannah ang tugon ng kanyang lolo ng minsan siyang nagtanong, “Kung halimbawa magugunaw ang mundo bukas, anong gagawin mo?”

“Wala.”

“Bakit wala?”

“Dahil nagawa ko na ang dapat kong gawin. Wala na akong panghihinayangan.”

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin kay Hannah kung ano ang kahulugan ng mga salitang binitawan ng kanyang lolo. Iku-kwento na sana niya ito sa kanyang Nanay nang biglang nagbalik ang attorney na may hawak na folder. Tiyak na iyon na nga ang kanilang hinihintay. Ano kaya ang mga iniwan ni lolo? tanong niya sa sarili.

“Para sa aking bunso na aking unica hija,” basa ng abogado. “Iniiwanan ko ang jewerly box na matagal nang nagpasa-pasa sa ating pamilya.”

Naalala ni Hannah ang nasabing jewerly box. Antigo ito at may nakaukit na mga bulaklak sa ibabaw. Sa kabila ng kagandahan nito ay nagulat siya. Hindi niya maintindihan kung bakit iyon lamang ang iniwan ng kanyang lolo sa Tita Lucia niya sapagkat ang mga laman ng kahon ay mumurahing alahas lamang! Kung isasanla ay hindi man lamang maibibili ng cellphone ang napagbentahan.

“Para naman sa aking panganay at ang kanyang mahal na asawa,” wika ng abogado. “Ipinagkakatiwala ko ang maliit na palaisdaan na aking itayo sa probinsya.”

Nagbalik sa alaala ng apo ang mga araw niya noon sa may palaisdaan. Tuwing walang eskwela ay pumupunta sila roon upang magbakasyon. Naging saksi siya sa matinding paghihirap ng kanyang lolo para lamang sa sinimulan niyang simpleng negosyo. Ilang taon din ang ginugol niya sa pagpapalago nito ngunit sa huli ay ganoon pa rin. Maliit pa rin ang kinikita. Nasayang lamang ang paghihirap ng matanda.

Napaisip tuloy si Hannah. Naisip niya ang kanyang Lolo Tasyo… at nagtaka siya. Yun lamang ba ang narating niya? Nakapagtayo ng isang palaisdaan? Naging masaya na kaya siya doon? Naging makabuluhan nga ba ang pitumpu’t limang taon na inilagi ng kanyang lolo sa mundong ito? At… paano mo nga ba masasabing naging makabuluhan ang buhay ng isang tao?

**********

Hanggang sa pagbalik ng mag-anak sa kanilang tahanan ay nasa isip pa rin ni Hannah ang kanyang lolo. Kumakain sila ng hapunan noon nang may narinig silang pagkatok sa pinto.

“Ako na ang magbubukas,” wika ng Tatay.

Sino kaya yun? Bakit narito sila sa ganitong oras? taka ni Hannah.

“Talaga?!” pagulat na tanong ng kanyang Nanay. “Hindi namin alam iyon! Sige, tuloy ka muna sa loob at nang maipakilala kita sa lahat!”

Pinatuloy ng kanyang tatay sa sala nila ang isang mag-asawa na hindi niya kilala.

“Magandang gabi sa inyo,” wika nung isang nagngangalang Juana. “Kilala namin si Tasyo. Mabuti siyang tao.”

“Kilala niyo ang lolo ko?” tanong ni Hannah.

“Oo, ineng” sabi nung lalaki na nagpakilala bilang si Poryo. “Nagtatrabaho ako sa kanya dati. Napakabuti niya. Kaya nga nung medyo gipit kami ay sa kanya kami humingi ng tulong.”

“Siya lang yung naasahan namin nung talagang wala na kaming masandalan. Lubos ang pagpapasalamat namin sa kanya. Itong kaayusan ng buhay namin ngayon, utang namin sa kanya.”

“Tama ‘yon,” sumangayon ang kanyang asawa. “Kaya ganun na lang ang lungkot namin nung nalaman namin na pumanaw siya. Hindi man lamang kami nakasama sa libing. Huli na nung umabot sa amin ang balita.”

Kitang-kita ni Hannah sa mga mata ng mag-asawa ang lubos na pagpapasalamat… at bigla na lamang niyang naintindihan. Naintindihan niya na naging masaya at kuntento ang kanyang lolo. Alam na niya ngayon na bagama’t wala gaanong kayamanang naatim o mataas na karangalang nakamit ay naging masaya ang buhay ng pumanaw niyang minamahal.

“Nagawa ko na ang dapat kong gawin. Wala na akong panghihinayangan.”

Namuo ang luha sa mga mata ni Hannah. Tahimik niyang pinasalamatan ang kanyang lolo dahil ang ipinamana sa kanya nito ay higit pa sa kahit anong materyal na bagay. Naipamana sa kanya ang isang aral na kailama’y hindi niya malilimutan… na ang tunay palang sukatan ng pagiging makabuluhan ng buhay ng isang tao ay kung anong kabutihan ang nagawa niya sa iba.

“Mawala man ako, gusto kong maalala ako dahil may nagawa akong pagbabago.” – Lolo Tasyo

~ by yzahbel on September 30, 2007.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: